Bakit laging tumatawa ang baliw?
Bakit laging lumuluha ang baliw?
Bakit laging sumisigaw ang baliw?
Bakit laging bumubulong ang baliw?
Kahit walang tugtog, sumasayaw siya.
Kahit walang kausap, nagsasalita siya.
Kahit hindi gabi, nagbibilang ng bituin.
Kahit walang tono, gumagawa ng awitin.
II
Bakit tayo nagsasaya tuwing pasko?
Bakit tayo nalulungkot sa sementeryo?
Bakit tayo nagagalit sa kalaban?
Bakit tayo nagmamahal ng kaibigan?
Kay sarap umindak sa maingay na tugtugan.
Kay sarap ngumiti kapag nagbibingi-bingihan.
Kay sarap sumakay sa isang eroplano.
Kay sarap turuang umawit ang loro.
III
Sabi ng isang makatang tuliro,
Baliw daw ang mundo at lahat ng tao...
Magaling nga lamang magdala ang ilan
Kaya't hindi pansin itong kabaliwan.
Kaya tayo tumatawa at lumuluha.
Kaya tayo nagsasaya at nalulungkot.
Kaya tayo sumisigaw at bumubulong.
kaya tayo nagagalit at nagmamahal.
Baliw kasi tayo.
Hiya
Nahihiya ako sa tuwing
May isdang lumalangoy...
Ako na nalulunod
Sa mabilis na agos
Ng mga panaghoy.
Nahihiya ako sa tuwing
May ibong lumilipad...
Ako na namumuhunan
Nang pagod at salapi
Para lamang makalipad.
Nahihiya ako sa tuwing
May langgam na nagsisikap...
Ako na malaki nga
Subalit kaydaling igupo
Nang paghihirap.
Nahihiya ako sa tuwing
Hahalik ang paru-paro
Sa mga bulaklak...
Ako na walang kasuyo
Kundi mapait na alak.
Nahihiya ako sa tuwing
Sisikat ang araw...
Ako na ang buhay
Ay isang mahabang
Gabing kay panglaw.
Nahihiya ako sa tuwing
Babagsak ang ulan...
Ako na ang luha
Ipunin man ay hindi
Bubuhay ng halaman.
Nahihiya ako sa tuwing
Magsasayaw ang apoy...
Ako na sa puso
Ay walang init
Na dumadaloy.
Nahihiya ako sa tuwing
Maaalalang may Diyos...
Ako na tao lamang
Subalit minamahal
Niya nang lubos.
Ang Ibinasurang Tula
Ng Basurerong Baliw.
"Ako ay may kwento na nakakaaliw
Tulad ng basura na nakakabaliw
Gaya ng chicharon na namumulaklak
Sa t'yan ng lasenggong laklak pa ng laklak...
Ng alak na galing sa puno ng buhay
Sa tabi ng kubo na maraming gulay
Na galing sa lupang nilusob ng peste
Doon sa taniman ng pamilyang leche...
Na walang ginawa kung hindi magbilang
Ng bunga ng santol doon sa may linang
Na kung hatinggabi'y laganap ang aswang
Na tanging kalaban ay kwintas na bawang...
Ni Padre Toribiong may alagang kuba
Likod ay matigas, balbas ay mahaba
Singhaba ng buhok ni Arnulfong bakla
Na lagi sa parlor na may nagsasakla..
Na lolang madupang at adik na hiyang
Sa damong malagkit at nakakagiyang
Na para bang lagnat at saka trangkaso
Na kanyang nakuha sa nilamong aso...
Na dating alaga ng maubang lolo
Na pinsan ng lola ng kapitbahay ko
Doon sa probinsyang aking namulatan
Kung saan ang hangin ay laging amihan...
Na dapat ingatang katulad ng pilak
Na wari'y sing kintab ng hinasang itak
Na aking kinalkal hanggang matagpuan
Sa kumpol ng dumi nitong basurahan."
pagaspas
pagkakita sa lipad ng ada
nahulog at gumulong sa putikan
kumunoy, lumangoy-langoy
at sumipol
ng pagkatamis-tamis
ngumiti siya
iniabot ang kamay
at nag-slide sa bahaghari
na ipinangako ni manong
sa mga hudyo
noong humupa ang baha
tuloy tayo,
isinama sa himpapawid
at yumakap sa ulap
humalik sa hamog
at nakipag-bonding sa ulan
walang muwang
sa mga kamatayan
at mga pagsilang
na sabay-sabay sumasayaw
sa lupa
ayaw nang bumaha
kapit-kamay sa pangarap
na pagaspas patungong
langit.
Ganda ng mga pics mo ah! Tara, photowalk ulit tayo sa Napindan at C-6. Elmer 'to from Nagpayong. Email mo sa 'kin cp# mo para ma-txt din kita: eltorobumingo(at)gmail.com
TumugonBurahinTara photowalk ulit!.
TumugonBurahin(7 years bago nagreply) hahhaha